Friday, September 11, 2009

Sablayeños You are Sentenced to Die through Mining: By PGMA


Lubos ang paghanga ko sa kay Pangulong GMA sapagka’t ipinangangalandakan niya sa buong mundo na ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing bansa sa Asya na nagsusulong na matugunan ang pandaigdigang suliranin sa CLIMATE CHANGE, at hiniling ang pakikiisa ng maraming bansa na tulungan ang Pilipinas sa nararanasang krisis na dulot ng pabagu-bagong panahon, bagyo, pagbaha, landslide, buhawi at kung anu-ano pang mga sakuna na nagpapahiwatig na ang Inang Kalikasan kung baga ay nananawagan, call of nature kung baga. Sinasalanta ang mga inprastraktura, mga pananim at agrikultura, maraming buhay ang nabubuwis dahil sa ngit-ngit ni Inang Kalikasan. Parang nagwiwika “sobra na, tama na ang paglapastangan at panggagahasa sa akin.”
Ang hindi ko maintindihan si PGMA ay naghuhumiyaw at pinangangalandakan sa buong mundo at buong tapang na ipagmalaki na ang bansang Pilipinas ay isa sa environmentally conscious na bansa, ewan ko kung naiintidihan niya ang mga bagay na nginangata niya at ipinahahayag. At sa kanyang kapanahunan ay kaniyang ipinagkanulo ang sambayanang Pilipino sa mga dayuhang mamumuhunan at pinayagang bungkalin, salaulain, gahasain ang ating likas na kayamanan sa ngalan ng MINA. Dito sa Sablayan, Occidental Mindoro, ang pinakamalawak na munisipyo sa buong bansa maging sa buong Asya, pinakamayamang lugar na may samu’t-saring buhay (biodiversity) nariyan ang Tamaraw, Mindoro Bleeding Heart Pigeon at mga buhay ilang na ngayon pa lamang natutuklasan. Nasa Sablayan, Occidental Mindoro rin ang Apo Reef Natural Park na isang Protected Area na pangalawang pinakamalaking atoll-like reef sa buong mundo sumunod sa Great Barrier Reef ng Australia, at dito namumugad ang pinakamaraming species ng corals at mga isda. Ang Bayan ng Sablayan at ang buong Isla ng Mindoro ay isang kritikal na lugar para sa food production, kung baga itinuturing na FOOD BASKET ng Southern Tagalog pati ng ilang lugar sa Visayas at Mindanao. Nanganganib at nilalapastangan ang karapatan at dignidada ng mga katutubong Mangyan.
Minsan naiisip ko dapat may dagdag na kurso ang sa natural science ang Pangulong GMA, nag-aral at nagpakadalubhasa sa Yale University sa Amerika sa Economics at parang ang pinag-aralan niya ay ay ang mga sumusunod pera, pera, pera, pera, pera at pera pa. Buti si PGMA may bahay na sa Amerika ayon sa mga naglalabasang mga ulat ng katiwaliaan (na wala na yatang katapusan). Wala siyang pakiaalam, manhid sa nararamdamang takot ng Mindoreño sa panganib na nagbabanta sa kanila na maaaring idulot ng pagmimina. Kaya quese hoda niyang ipakalkal at ipagahasa si Inang Kalikasan sa Intex Resources para sa ipinagmamalaki niyang Mindoro Nickel Project kapalit ang libo-libong buhay ng mamamayan ng Isla ng Mindoro, lasunin ang tubig at karagatan. Sa madaling salita kayong este tayong mga Mindoreño ay hinatulan na ng kamatayan n gating mahal na Pangulong GMA, na parang bumubulong, “ei anu naman kung mangamatay kayo ang mahalaga kumita(?) ang bansa at ng may makulimbat kaming mga namumuno”.
Ang mga nginangata ng Pangulong GMA sa kaniyang mga talumpati ay pawang kasinungalingan gaya ng ang kaniyang pagkakaluklok sa bilang panggulo este Pangulo ay may bahid na kasinungalingan gaya ng “Hello… Garci…na kanya naming inamin “I am sorry” sa bansang Pilipino.

Hindi ko rin alam kung papaano nakakatulog si PGMA na naririnig ang mga panaghoy ng mga taong nagmamakaawa sa kanayang matalinong pagdedesisyon! Ipinagkanulo niya ang sambayanan kapalit ng pagkagahaman sa salapi.
Mga mamamayang Sablayeño at Mindoreño tayo ay magkapitbisig upang labanan banta ng pagmimina, ang ganid na institusyong inaasahan nating magtanggol sa atin. Sa labang ito wala tayong kakampi dahil ang Pangulong GMA na siyang inaasahan nating magtanggol ay ipinagkanulo tayo sa mga dayuhang mamumuhunan upang wasakin ang ating bayan at buong Isla ng Mindoro. Sabay-sabay nating isigaw NO TO MINING in Sablayan, Occidental Mindoro at sa Buong Isla ng Mindoro!


Narumbai Tanggolman
Brigada Kontra Mina
Sablayan, Occidental Mindoro

No comments:

Post a Comment