Tuesday, September 15, 2009

Brigada Kontra Mina sa Sablayan, Occidental Mindoro

Isang malawakang Pagkilos ng mga Mamamayan ng Sablayan Upang Suportahan ang Municipal Ordinance 2008-001 na nagsasaad ng Pagpapatupad ng Twenty Five-(25) Years Moratorium on Large Scale Mining sa Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro.

Sapagkat, kaming mga mamamayan ng Bayan ng Sablayan ay naniniwala sa maaaring maging epekto ng pag-mimina sa kabundukang nasasakupan ng Bayan ng Sablayan;

Sapagkat, ang pag-mimina sa kabila ng mga pangako at mabuting dulot sa ating ekonomiya at pag-unlad, hindi maaaring itanggi ang kapalit nito ay ang pagsira sa natural at likas yaman ng ating bayan;

Sapagkat, maraming datus ang nagpapakita na mas marami nag napeperwisyo kaysa mga nabibiyayan ng benepisyo ng pag-mimina;

Sapagkat, marami nang mga masamang karanasan ang ating bansa tungkol sa pagmimina, pagsira sa kalikasan, mga pagguho ng lupa, sakit na dulot ng kemikal na ginagamit sa pag-mimina, pagkalbo sa kabundukan, pagpatay sa mga yamang dagat at marami pang iba;

Sapagkat, taliwas sa mga pangako ng mga kumpanyang may interes sa pag-mimina sa ating bayan na sila ay magbibigay ng trabaho, mga inprastraktura, mga gusali, kalsada at iba pa, hindi maipagkakaila na ang kapalit nito ay ang pagkasira at paglalagay sa panganib ng mamamayan ng Sablayan sa anumang sakuna;

Sapagkat, ang mga mamamayan ng Sablayan ay nabubuhay sa pagsasaka at pangingisda, na siya ring pangunahing gumagamit ng tubig na nagmumula sa kabundukan para sa masaganang ani at ang yamang-dagat ay napapanatili ang yaman nito sa pag-agos ng ilog mula sa kabundukan na may dalang sustansya para sa kapakinabangan ng mga lamang-dagat;

Sapagkat, ang higit na manganganib sa na maaring maapektuhan ang ang mayamang samu't saring halaman at hayop na matatagpuan lamang sa Mindoro partikular sa Bayan ng Sablayan, ang Tamaraw na naninirahan sa mga kagubatang sakop ng aplikasyon ng mga mining companies. Kasama ang masamang epekto ng pagmimina sa pinakakaiingatang Apo Reef Natural Park, ang pangalawang pinakamalaking atoll-like reef sa buong mundo,

Sapagkat, sa usapin ng problema sa pagkain mas higit nating kailangan at pag-ibayuhin ang sektor ng pagsasaka at pangisdaan na maaaring manganib dahil sa masamang dulot ng pag-mimina;

Sapagkat, sa usapin ng climate change at global warming,kung saan isinusulong n gating Pagulong Gloria Macapagal Arroyo at kailangan ang maigting na pangalagaan ang ating mga kagubatan kung saan narito sa ating bayan ang pinakamalawak na lowland forest sa buong lalawigan at mga karatig lugar na kagubatan na maaaring maglaho dahil sa pag-mimina;

Sapagkat, ang pgsusulong ng pamahalaang nasyonal sa pagmimina bilang economic policy ay taliwas sa pagsusulong ng pamahalaan sa paglaban sa climate change at global warming;

Sapagkat, ang mga mineral gaya ng ginto, nickel at iba pa ay di maaring makuha kung hindi gagamitan ng nakakalasong kemikal gaya ng mercury at cyanide, kung saan ay humahalo sa tubig na ating maiinom, patubig at sa mga lamang dagat na ating makakain sa hinaharap;

Sapagkat, ang lason gaya ng mercury at cyanide ay lasong niipon sa katawan ng tao at unti unting pumapatay dito;

Sapagkat, ang pagbabawal at pagtutol ng mamamayan ng bayan ng Sablayan sa pag-mimina ay hindi usapin ng pag-unlad at paglago ng ating bayan, kabuhayan at ekonomiya, ito ay hindi isyu ng kung sino ang nakikinabang at makikinabang, bagkos ito ay usapin ng ating survival o pagpapatuloy ng ating buhay sa isang malinis at ligtas na kapaligiran at mapangalagaan ang karapatan nga mga lupang ninuno ng ating mga kabababayang katutubong Mangyan;

Sapagkat, bagamat hindi tinututulan ang pag-unlad, ang mga mamamayan ng Sablayan ay naniniwala sa sustenabling pag-unlad kung saan ang kalikasan at pag-unlad sa aspetong social, economics, cultural at iba pa;

Sapagkat, bilang mga mamamayan may takot sa lumikha, kay Bathala, sa Diyos, kay Allah, iba iba man ang pananampalataya tayo ay pinagkakatiwalaang pangalagaan ang lahat ng kanyang nilikha sa ibabaw ng mundo ito ay tungkuling moral na iniatang sa atin

Sapagkat, sa simpleng kaisipan ng mga mamamayan, hindi kailangan ang siyentipikong basehan at paliwanag upang hindi maunawaan ang panganib ng pag-mimina dahil higit naming nararanasan at nararamdaman ang masamang epekto nito na hindi maaaring maramdaman ng mga dayuhan at mga mamumuhunan na nakatira sa palasyong tahanan;

Sapagkat, bilang isang responsabling mamamayan ng Bayan ng Sablayan, kami ay sama sama at buong layang lumalagda sa ibaba upang ipahayag ang aming damdamin sa pagtutol sa malawakang pag-mimina sa bayan ng Sablayan, at buong lakas na pagsuporta sa General Ordinance No. 2007-GO03B an Ordinance Declaring a 25 Year Moratorium on Large Scale Mining activities in the Municipality of Sablayan, Occidental Mindoro.

Sapagkat, ang lahat ng mga nanunungkulan ay may sinumpaang tungkulin sa diyos, sa bayan at mamamayan, ang ito ay paglingkuran at ipagsasanggalang mula sa banta ng kapahamakan;

Kung kayat dahil dito, ipinababatid ng mamamayan ng Sablayan sa lahat ng sangay ng Pamahalaan ang nag-iisang damdamin sa pagtutol sa pag-mimina sa aming bayan, dapat mabigyang sipi ng pahayag na ito ang ating Pangulo ng Republika ng Pilipinas, mga Senador mga mambabatas at mga non-govermental organization na may kahalintulad na pahayag at damdamin ang nakikiisa sa pahayag na ito.

(Kalakip ng pahayag na ito ang libo-libong lagda ng mga mamamaya ng Bayan ng Sablayan, Kanluraning Mindoro).

Friday, September 11, 2009

Sablayeños You are Sentenced to Die through Mining: By PGMA


Lubos ang paghanga ko sa kay Pangulong GMA sapagka’t ipinangangalandakan niya sa buong mundo na ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing bansa sa Asya na nagsusulong na matugunan ang pandaigdigang suliranin sa CLIMATE CHANGE, at hiniling ang pakikiisa ng maraming bansa na tulungan ang Pilipinas sa nararanasang krisis na dulot ng pabagu-bagong panahon, bagyo, pagbaha, landslide, buhawi at kung anu-ano pang mga sakuna na nagpapahiwatig na ang Inang Kalikasan kung baga ay nananawagan, call of nature kung baga. Sinasalanta ang mga inprastraktura, mga pananim at agrikultura, maraming buhay ang nabubuwis dahil sa ngit-ngit ni Inang Kalikasan. Parang nagwiwika “sobra na, tama na ang paglapastangan at panggagahasa sa akin.”
Ang hindi ko maintindihan si PGMA ay naghuhumiyaw at pinangangalandakan sa buong mundo at buong tapang na ipagmalaki na ang bansang Pilipinas ay isa sa environmentally conscious na bansa, ewan ko kung naiintidihan niya ang mga bagay na nginangata niya at ipinahahayag. At sa kanyang kapanahunan ay kaniyang ipinagkanulo ang sambayanang Pilipino sa mga dayuhang mamumuhunan at pinayagang bungkalin, salaulain, gahasain ang ating likas na kayamanan sa ngalan ng MINA. Dito sa Sablayan, Occidental Mindoro, ang pinakamalawak na munisipyo sa buong bansa maging sa buong Asya, pinakamayamang lugar na may samu’t-saring buhay (biodiversity) nariyan ang Tamaraw, Mindoro Bleeding Heart Pigeon at mga buhay ilang na ngayon pa lamang natutuklasan. Nasa Sablayan, Occidental Mindoro rin ang Apo Reef Natural Park na isang Protected Area na pangalawang pinakamalaking atoll-like reef sa buong mundo sumunod sa Great Barrier Reef ng Australia, at dito namumugad ang pinakamaraming species ng corals at mga isda. Ang Bayan ng Sablayan at ang buong Isla ng Mindoro ay isang kritikal na lugar para sa food production, kung baga itinuturing na FOOD BASKET ng Southern Tagalog pati ng ilang lugar sa Visayas at Mindanao. Nanganganib at nilalapastangan ang karapatan at dignidada ng mga katutubong Mangyan.
Minsan naiisip ko dapat may dagdag na kurso ang sa natural science ang Pangulong GMA, nag-aral at nagpakadalubhasa sa Yale University sa Amerika sa Economics at parang ang pinag-aralan niya ay ay ang mga sumusunod pera, pera, pera, pera, pera at pera pa. Buti si PGMA may bahay na sa Amerika ayon sa mga naglalabasang mga ulat ng katiwaliaan (na wala na yatang katapusan). Wala siyang pakiaalam, manhid sa nararamdamang takot ng Mindoreño sa panganib na nagbabanta sa kanila na maaaring idulot ng pagmimina. Kaya quese hoda niyang ipakalkal at ipagahasa si Inang Kalikasan sa Intex Resources para sa ipinagmamalaki niyang Mindoro Nickel Project kapalit ang libo-libong buhay ng mamamayan ng Isla ng Mindoro, lasunin ang tubig at karagatan. Sa madaling salita kayong este tayong mga Mindoreño ay hinatulan na ng kamatayan n gating mahal na Pangulong GMA, na parang bumubulong, “ei anu naman kung mangamatay kayo ang mahalaga kumita(?) ang bansa at ng may makulimbat kaming mga namumuno”.
Ang mga nginangata ng Pangulong GMA sa kaniyang mga talumpati ay pawang kasinungalingan gaya ng ang kaniyang pagkakaluklok sa bilang panggulo este Pangulo ay may bahid na kasinungalingan gaya ng “Hello… Garci…na kanya naming inamin “I am sorry” sa bansang Pilipino.

Hindi ko rin alam kung papaano nakakatulog si PGMA na naririnig ang mga panaghoy ng mga taong nagmamakaawa sa kanayang matalinong pagdedesisyon! Ipinagkanulo niya ang sambayanan kapalit ng pagkagahaman sa salapi.
Mga mamamayang Sablayeño at Mindoreño tayo ay magkapitbisig upang labanan banta ng pagmimina, ang ganid na institusyong inaasahan nating magtanggol sa atin. Sa labang ito wala tayong kakampi dahil ang Pangulong GMA na siyang inaasahan nating magtanggol ay ipinagkanulo tayo sa mga dayuhang mamumuhunan upang wasakin ang ating bayan at buong Isla ng Mindoro. Sabay-sabay nating isigaw NO TO MINING in Sablayan, Occidental Mindoro at sa Buong Isla ng Mindoro!


Narumbai Tanggolman
Brigada Kontra Mina
Sablayan, Occidental Mindoro